-- Advertisements --

Nilinaw ng World Health Organization (WHO) na hindi “go signal” ang ipinatupad na Code Red sublevel 1 para sumugod ang publiko sa mga testing centers kapag nakaramdam sila ng sintomas ng COVID-19.

Ayon kay WHO Philippines country representative Dr. Rabindra Abeyasinghe, kailangang maintindihan ng publiko ang efforts na ginagawa ng Department of Health (DOH) para matukoy ang pinagmulan ng local tranmission ng sakit sa bansa.

Pero nanindigan ito na hindi dahil ang isang tao ay inubo, sinipon o nilagnat ay dapat na agad magpa-COVID-19 testing.

“The mere fact that you have a respiratory track infection doesn’t mean that you need to be tested to COVID-19; unless you have been close contacted with these cases,” ani Dr. Abeyasinghe.

Sang-ayon naman dito si Health Asec. Maria Rosario Vergeire na nagpaalala sa criteria na ikino-konsidera ng pamahalaan sa mga pasyente ng naturang sakit.

“Those persons na nakakaramdam ngayon ng mga sintomas na lagnat, ubo, sipon pero wala namang history of travel (at) alam naman nila na hindi sila nagkaroon ng kahit anong way na makasalumuha yung positibong kaso sa ngayon, hindi kailangan pumunta ng facility,” ani Asec. Vergeire.

Gaya na lang ng travel record sa mga bansang may kaso ng COVID-19, at kung nagkaroon ng close contact sa isang infected ng nasabing virus.

Dagdag pa ni Asec. Vergeire, na hindi totoo ang kumakalat na social media posts na bukas na ang Research Institute for Tropical Medicine (RITM) para sa lahat ng gustong magpa-test ng COVID-19.