Naghain ng petition for certiorari and prohibition sa Korte Suprema si Albay Rep. Edcel Lagman para kuwestiyunin ang constitutionality ng Anti-Terrorism Act of 2020.
Iginiit ni Lagman sa kanyang 55-pahinang petition na dapat ibasura ang bagong batas na ito na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Hulyo 3 dahil puno ito ng constitutional infirmities.
“The derogation of freedom is not the price of security and peace, but the precursor of people’s unrest and righteous resistance,” ani Lagman.
Kabilang aniya rito ang malabong panibagong kahulugan ng crime of terrorism, at pagtanggal sa element of political o ideological motive.
Magkakaroon din aniya ng chilling effects sa karapatan sa free speech at dissent ang criminalization ng pagbabanta, pagmungkahi at pag-udyok na gumawa ng crime of terrorism.
Pinuna rin ni Lagman ang warrantless arrest at imposition ng maximum 24 days ng prolonged detention ng isang suspected terrorist, na paglabag aniya sa Bill of Rights.
Paglabag naman aniya sa right to privacy ng publiko ang 90 days na maximum technical surveillance at wiretapping, gayundin ang anim na buwan na imbestigasyon sa bank account at freezing sa assests ng suspected terrorist.
Higit sa lahat, paglabag ayon kay Lagman sa doktrina ng separation of powers ang pagbibigay ng judicial powers sa Anti-Terrorism Council (ATC) at Anti-Money Laundering Council (AMLC).
Hindi aniya totoo ang sinasabing naglalaman ng sapat na safeguard provisions ang bagong batas na ito gaya ng makailang ulit na paggiit ng mga may-akda nito.
“All that a devious and underhanded law enforcer or prosecutor has to do is to conveniently invoke the killer proviso to stifle political dissent and peaceable assembly for redress of grievances,” giit ni Lagman.