-- Advertisements --

Binuweltahan ni Albay Rep. Edcel Lagman si Sen. Bong Go matapos banatan ng senador ang pag-kwestyon ng kongresista sa isang programa nito.

Ayon kay Lagman sinayang lang ni Go ang privilege speech nito sa Senado matapos na mapikon sa kanyang pagpuna sa Malasakit Centers.

Nitong Martes nang soplahin ng senador si Lagman at sinabing anuman ang gawin ng kongresista ay hindi na maaayos ang imahe nito.

“Neophyte Sen. Bong Go, instead of defining his legislative agenda, which is usually the subject of a maiden privilege speech, squandered his chance of citing the causes he will promote and defend during his term by personally attacking me for being critical of the Malasakit Centers even as he refused to be interpellated,” ani Lagman.

“Paucity of merit and reason cannot be concealed by unparliamentary language and malevolent innuendoes,” dagdag pa nito.

Ayon kay Lagman, ang Malasakit Centers ay hindi naman talaga one-stop shop para sa post-confinement financial assistance dahil ito ay referral outlets lamang ng main local offices ng mga participating government agencies.

Sa katunayan, kailangan nga rin daw mag-antay sa mahabang pila ng mga pasiyente sa mga Malasakit Centers bago mabigyan ng serbisyo.

Ito ay dahil walang diskresyon aniya ang mga kinatawan ng Malasakit Centers na gumawa ng anumang assessments para sa partial o full payment ng mga balanse o bill sa ospital.

Nauna nang sinabi ni Lagman na nagagamit bilang partisan front ang Malasakit Centers, bagay na mariing itinanggi naman ni Go.