-- Advertisements --

Nanawagan si Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson sa kanyang mga kasamahan sa Senado na pirmahan ang partial report ng Blue Ribbon Committee kaugnay ng umano’y anomalya sa mga proyektong flood control, matapos itong makakuha lamang ng apat na lagda.

Sa isang pahayag, sinabi ni Lacson na bukod sa kanya, tanging sina Risa Hontiveros, Bam Aquino, at Kiko Pangilinanpa lamang ang lumagda sa ulat. Aniya, kinakailangan ang hindi bababa sa siyam na pirma upang maihain at matalakay na ito sa plenaryo.

Binigyang-diin ni Lacson na bukas naman ang ulat sa interpelasyon at amyenda ng kanyang mga kasamahan. Maari naman aniya silang magtanong at mag amyenda kung kinakailangan

Babala pa ng senador, posibleng mauwi sa wala ang naturang ulat kung hindi ito makakalap ng sapat na pirma bago mag-adjourn ang Kongreso sa Hunyo. Kapag
nangyari ito, maaari umano itong ma-archive at hindi na mapagdebatehan.

Dagdag ni Lacson, karamihan sa mga rekomendasyon sa ulat, kabilang ang pagsasailalim sa imbestigasyon ng ilang personalidad, ay nauna nang naisakatuparan o kasalukuyan nang tinututukan ng ibang ahensya.

Kabilang sa mga nabanggit na dapat imbestigahan ay sina Joel Villanueva, Francis Escudero, at dating House Speaker Martin Romualdez.

Samantala, matatandaan naman na naghahanda na ang Office of the Ombudsman na magsampa ng kasong plunder laban kina Romualdez at Escudero kaugnay ng isyu.

Mariin namang itinanggi ni Lacson ang paratang na may pinagtatakpan siya sa imbestigasyon. Ayon sa kanya, ginawa lamang niya ang kanyang tungkulin, kahit pa ikinagalit o ikinainis ito ng ilan niyang kasamahan na naisailalim sa rekomendasyon ng preliminary investigation.

Sa kabila ng mga kontrobersiya, umaasa si Lacson na mananaig ang kooperasyon sa Senado upang tuluyang maisulong ang ulat at mapanagot ang mga sangkot sa umano’y anomalya sa flood control projects.