-- Advertisements --

‘Frustration’ at hindi ‘stress’ 

ito raw ang nararamdaman ngayon ni Senador Panfilo “Ping” Lacson kasabay ng planong pagbibitiw nito bilang chairman ng Blue Ribbon Committee na nag-iimbestiga sa maanomalyang flood control projects.

Sa pulong-balitaan, kinumpirma ni Senate President Vicente Sotto III na nagkausap sila ni Lacson hinggil sa nakaambang pagbibitiw ng senador sa naturang komite.

Ayon kay Sotto, frustrated umano si Lacson dahil sa mga kaliwa’t kanang pagkuwestiyon sa kanyang mga isinasagawang pagdinig sa Blue Ribbon Committee.

Sa pananaw naman ng Senate President, maayos na pinamumunuan ni Lacson ang komite upang ilantad ang umano’y mga korapsyon sa flood control projects.

Dagdag pa ni Sotto, karamihan sa mga kasapi ng majority bloc ay umaasang maaari pang mapigilan si Lacson at mapanatili siya bilang chairman ng komite.

Gayunpaman, tiniyak ni Sotto na anumang maging desisyon ni Lacson ay buong puso niya itong susuportahan.