-- Advertisements --

Tumaas pa ng 350% ang kita ng isang Chinese toy company sa unang kalahati ng 2025, ayon sa paunang ulat ng kumpanya. Ito ay dahil sa higit tatlong ulit na pagtaas ng kanilang kita, kasabay ng patuloy na kasikatan ng kanilang produkto na Labubu dolls.

Lumakas aniya ito dahil sa mas mataas na global brand recognition at mas mahusay na cost control.

Ang Labubu dolls, na bahagi ng tinaguriang “blind box” toys, ay naging viral online at halos pinilahan ng mga fans sa iba’t ibang panig ng mundo.

Dahil sa tindi ng demand, ilang tindahan ay pansamantalang tumigil sa pagbebenta ng naturang laruan.

Mula nang ilunsad ang Labubu noong 2019, lumawak ang operasyon ng kumpanya na ngayon ay may mahigit 2,000 vending machines at tindahan sa iba’t ibang bansa.

Noong 2024 halos 40% ng kabuuang kita ng kumpanya ay nagmula sa labas ng mainland China.

BAGONG FASHION CRAZE NG MGA CELEBRITIES SA 2025

Tila kinababaliwan naman ngayon sa mundo ng fashion ang Labubu mula sa pagiging simpleng laruan, naging fashion must-have ito matapos makita sa mga bag ng kilalang celebrities tulad nina Lisa ng BLACKPINK, Rihanna, Kim Kardashian, at David Beckham.

Si Lisa ang unang nagpakita ng Labubu sa kanyang fans, kaya’t agad itong tinangkilik bilang cool at chic na accessory.
Mula noon, lumitaw na rin ito sa mga luxury bags gaya ng Hermès at Louis Vuitton.

Ang Labubu ay likha ng Hong Kong artist na si Kasing Lung at ibinebenta sa mga “blind box” na nagkakahalaga ng P1,300. Hindi alam ng mga bumibili kung anong karakter ang makukuha nila, kaya’t mas naging exciting ito para sa mga collectors.

Pinakita ni David Beckham ang isang rare Labubu na regalo ng anak niyang si Harper, habang si Kim Kardashian naman ay proud na ipinost ang buong koleksyon niya.

Pati si Olivia Attwood ay nagdiwang ng birthday na may Labubu theme, at si Gemma Collins ay umamin na “obsessed” siya sa naturang laruan.

May bunny ears at kakaibang ngiti, ang Labubu at opisyal nang tinuturing na pinakabagong fashion mascot ng taon.