-- Advertisements --
image 414

Nakahimlay na ngayon ang labi ng namatay na overseas Filipino worker (OFW) na si Mary Grace Santos sa tirahan ng kanyang magulang sa Barangay San Roque sa Macabebe, Pampanga.

Matatandaan na namatay si Santos sa Amman, Jordan noong Oktubre 11 at ang suspek ay isang 16-anyos na Egyptian.

Ayon sa Department of Migrant Workers (DMW), sinampahan na ng kaso ang suspek.

Nagpapasalamat naman ang pamilya Santos sa agarang pagpapauwi sa mga labi nito.

Dalawang anak ni Mary Grace ang kanyang naiwan sa edad na 16 at 13 at haggang ngayon ay hindi pa rin sila makapaniwala sa nangyari sa kanilang ina.

Ayon sa panganay na anak ni Mary Grace,nagpapasalamat siya sa kanyang ina dahil ginawa raw nito ang lahat para mabuhay silang magkapatid, aniya pa, hindi matutumbasan ng kahit anong materyal na bagay ang pagmamahal nila sa ina.

Nangako rin ang bunsong anak ni Mary Grace na tatapusin ang kanyang pag-aaral.

Samantala, tiniyak naman ng Overseas Workers Welfare Administrator (OWWA) na makakatanggap ng tulong ang pamilya.

Ayon kay OWWA Administrator for Operations, Mary Melanie Quino, isa sa mga anak ni Mary Grace ang makakatanggap ng education assistance.

Nauna nang iniulat na natagpuan ang bangkay ni Mary Grace sa loob ng tangke ng diesel sa bahay na kanyang pinagtatrabahuan.