Iginiit ng Department of Agriculture (DA) na walang dapat ikabahala ang publiko sa napaulat na pagkasawi ng mga baboy sa ilang mga lugar sa bansa.
Pahayag ito ni Agriculture Sec. William Dar sa kabila ng pangamba ng ilan na nakapasok na ang African swine flu sa bansa.
Posible aniyang bukas pa nila malalaman ang resulta ng laboratory test na isinagawa para matukoy ang ikinasawi ng mga baboy at sa Biyernes nila iaanunsyo ang resulta nito.
Ayon kay Sec. Dar, kung magpositibo man sa African swine flu ang resulta ng pagsusuri, walang dapat ikabahala ang publiko dahil na-contain na nila, na-manage at kontrolado na ang one-kilometer radius, kung saan namatay ang mga baboy.
Wala na rin daw silang nakitang sakit sa unang lugar na naapektuhan.
Maliban dito, nakahanda umano ang quarantine at food safety measures ng pamahalaan sa buong bansa.
Kaugnay nito, inihayag ni Sec. Dar na nakatakda niyang buksan ang usaping ito mamaya sa Cabinet meeting.