BAGUIO CITY – Plano ng lokal na pamahalaan ng La Trinidad, Benguet na magsagawa ng isang ritwal dahil sa paniniwalang mas mabilis na matatagpuan ang dalawang kabataan na nawawala mula pa noong Agosto 13.

Ito ay dahil hanggang ngayon ay hindi pa nahahanap ng mga awtoridad at mga volunteers sina Harley Diplat Rufino, 16-anyos at Rommel Alsem Tadena, 17-anyos na kapwa residente ng Wangal, La Trinidad, Benguet.

Una nang nagsagawa ng dalawang ritwal ang pamilya ng mga nawawala ngunit hanggang ngayon ay bigo pa rin ang mga awtoridad sa paghahanap sa mga ito kahit puspusan pa rin ang search and retrieval operations.

Maaalalang noong Agosto 13 ay nakita na lamang ng isang residente ang motorsiklong ginamit nina Rufino at Tadena na nasa gilid ng ilog at mula noon ay hindi na nakita pa ang dalawang kabataan.