-- Advertisements --

Pinaiimbestigahan na ng Philippine National Police (PNP) kung bakit kumalat at umabot na sa social media ang kanilang memorandum na nag-uutos sa mga field units para i-validate ang ilang mensahe kaugnay sa umano’y planong pamomomba ng Maute-ISIS (Islamic State of Iraq and Syria).

Kaugnay nito, kinumpirma ni PNP spokesperson C/Supt. John Bulalacao na authentic ang memorandum subalit walang katotohanan ang ulat kaugnay sa planong karahasan ng teroristang grupo.

Ayon kay Bulalacao, inaalam na rin nila kung sino ang nagpakalat sa nasabing confidential document na talagang galing sa Police Regional Office (PRO)-10 intelligence group.

Giit ng heneral na walang intensyon na magdulot ng panic sa publiko ang nasabing memorandum.

Dahil sa paglabas ng dapat ay confidential document, iniimbestigahan ang posibilidad na lapses o pagkukulang sa pagpapatupad ng security protocol on classified documents.

Mananagot naman ang sinumang naglabas ng dokumento lalo’t may inilabas aniya na guidelines to protect classified information and unauthorized disclosure to the media na pinirmahan ni P/Director Gregorio Pimentel noong 2017.

Ayon sa heneral, wala pang feedback ang pamunuan ng PRO-10 kaugnay sa nilalaman ng lumabas na memo.