Nakahanda na ang kulungan ni Sen. Antonio Trillanes sa AFP Custodial Center sa loob ng Kampo Aguinaldo.
Ito ang inihayag ni Defense spokesperson Arsenio Andolong matapos bawiin ang amnestiya na ipinagkaloob ng dating administrasyon kay Trillanes.
Ayon kay Andolong, kung mayroon mang ibang institusyon na aako ng kustodiya ni Trillanes, maari naman itong pag-usapan ng mga kinauukulan.
Pero dahil balik si Trillanes sa pagiging militar ay ang kustodiya nito mapupunta sa AFP.
Giit ni Andolong, nakahanda ang DND at AFP na tanggapin si Trillanes.
Siniguro naman ni Andolong na bibigyan ng maayos na pagtrato ang Senador sa oras na nasa kustodiya na siya ng militar.
“Nakaready na yung kanyang detention facility, I believe the same one that, where he was committed to before, but we will ensure that all of his rights are protected once he is taken to custody,” pahayag ni Andolong.
Sa ngayon nananatili pa sa kustodiya ng senado si Trillanes at hindi pa naiturn over sa AFP.
Bago magtanghali naman kanina ay may mga tauhan ng CIDG kasama ang ilang tauhan ng military police ang nagtungo sa senado para arestuhin si Trillanes batay sa inilabas na Proclamation ni Pang. Rodrigo Duterte na binabawi nito ang amnestiya na ipinagkaloob kay Trillanes.