Tiniyak ni Kris Aquino na ligtas pa rin sila ng kanyang mga anak laban sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).
Pahayag ito ng 49-year-old former presidential sister at “Queen of All Media” sakali man daw umatake ang mga kritiko sa mga naging madalas niyang pag-out of town.
Pinakahuli nito ay ang pag-staycation sa isang luxury villa sa Lubao, Pampanga, bago ito muling sumabak sa taping ngayong July.
Ayon kay Kris, linggo-linggo siyang sumasailalim sa rapid test gayundin ang kanyang dalawang anak na sina Josh at Bimby, at lahat ng kanyang staff na kasama sa bahay.
Nitong unang araw ng Hulyo ay balik na sa taping ang dating misis ng basketbolistang si James Yap matapos ang dalawang taon dahil sa isyu ng kalusugan.
Una na nitong inamin na umaasa pa rin siya na matatagpuan ang kanyang “Mr. Right” kasabay ng magandang takbo ng bagong chapter ng kanyang buhay.
Habang kamakailan lang ay ipinapaubaya na nito sa Panginoon ang planong pagkuha ng kursong Political Science.