-- Advertisements --

Iniimbestigahan na rin daw ng Department of Health (DOH) ang issues ng resignation ng ilang opisyal ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) dahil sa sinasabing talamak na korupsyon sa ahensya.

Aminado si Health Usec. Maria Rosario Vergeire na may mga umuugong na alegasyon sa loob ng PhilHealth, pero hinihintay pa ng kagawaran ang report ng opisina ni Retired B/Gen. Ricardo Morales ukol sa insidente.

“Mayroong mga alegasyon tungkol dito and we will wait for PhilHealth to issue their statement.”

Nitong Huwebes ng gabi nang pumutok ang ulat hinggil sa resignation ng ilang PhilHealth officials dahil umano sa issue ng katiwalian, kontribusyon, hazard pay at iba.

Nagkaroon din daw ng mainit na sagutan ang mga opisyal habang nasa gitna ng kanilang online meeting.

“Kapag ganito naman, ang Secretary (Francisco Duque III) of Health being the chairman of the (PhilHealth) board. He sits down with the officials para maiayos niya kung ano man yung mga issues among them so that hindi na lumaki ang issue na ‘to.”

Una nang pinabulaanan ni PhilHealth chief executive order Morales ang insidente, at sinabing gumaganti lang ang nagbitiw na Ant-Fraud Legal Officer na si Atty. Thorrsson Montes Keith.

Naglabas naman ng kautusan si Pangulong Rodrigo Duterte para magkaroon ng imbestigasyon sa umano’y iregularidad sa PhilHealth.