Pinagbigyan ng Korte Suprema ang pitong mosyon ng petitioner na beteranong mamamahayag, Nobel laureate at CEO ng Rappler na si Maria Ressa para makabiyahe sa labas ng Pilipinas upang bisitahin ang 14 na bansa mula Hunyo 4 hanggang 29 subalit subject pa rin ito sa ilang mga kondisyon.
Kabilang sa ipinag-utos ng Korte Suprema sa petitioner na dapat ay sundin nito ang sub judice rule at iwasang magbigay ng anumang komento o pag-usapan sa publiko ang kanyang kaso at iba pang mga kaugnay na usapin.
Sinabi din ng Korte na dapat na gamitin ng petitioner sa kaniyang pagbiyahe ang cash bond na P100,000 na dati niyang isinumite alinsunod sa isang naunang Resolution ng Korte.
Sinabi rin ng SC na kinakailangang magpadala si Ressa sa korte ng abiso sa pamamagitan ng sulat para sa kanyang pagbabalik sa bansa sa loob ng limang araw mula sa kanyang pagdating.
Nakatakdang bumiyahe si Ressa sa Italy, Singapore, United States of America, at Taiwan.
Nauna na ring pinayagan noon ng SC si Ressa na bumiyahe sa ibang bansa mula Marso 13 hanggang Abril 1, 2023.
Kung magugunita noong nakaraang Oktubre 2022, kinatigan ng Court of Appeals ang cyberlibel convictions nina Ressa at dating Rappler researcher na si Reynaldo Santos.
Ang naturang kaso ay nag-ugat sa inilathalang artikulo ng Rappler noong 2012 na nag-uugnay sa negosyanteng si Wilfredo Keng sa isyu ng human trafficking at drug smuggling base umano sa isang intelligence report.
Sinabi naman ni Santos na kanilang iaapela ang hatol ng Court of Appeals sa Korte Suprema.