-- Advertisements --

Ibinasura ng korte ang hirit ng anak ni dating US President Donald Trump na si Ivanka na ipagpaliban ang pag-testimonya nito sa kaso ng ama.

Sinabi nito na nahihirapan siyang makadalo sa mga pagdinig sa kaso dahil sa mayroon pasok sa paaralan ang tatlong anak sa Florida.

Sabi ng kaniyang abogado na marapat na pagbigyan sila ng korte dahil sa magmumula pa sa Florida si Ivanka at mahihirapan itong humarap sa korte sa New York.

Una ng nagbigay ng kanilang testimonya sa korte ang dalawang anak ni Trump na sina Eric at Donald Jr.

Ang mga anak kasi ni Trump ang nagpatakbo ng kanilang negosyo sa New York habang nasa posisyon bilang pangulo ng US si Trump.

Nahaharap sa panloloko at pamemeke umano ng dokumento ang negosyo ni Trump dahil sa hindi pagbibigay ng tunay na buwis na binabayaran ng kaniyang kumpanya.

Nakatakda naman humarap sa korte sa araw ng Lunes ang dating Pangulo para sa pagdinig ng kaniyang kaso.