KORONADAL CITY – Inatasan na ni Koronadal Mayor Eliordo Ogena ang PNP upang magsagawa ng malalimang imbestigasyon laban sa World Philosophical Forum (WPF).
Ang nasabing grupo ay nasa ilalim umano ng UNESCO kung saan sa bawat orientation at seminar na kanilang isinasagawa ay nanghihingi ang mga ito ng P520 bilang kapalit umano ng ATM ng mga benepisyaryo at makakatanggap diumano sila ng nasa $200 o P10,000.
Ito’y matapos dumulog sa tanggapan ni Mayor Ogena ang ilang mga reklamo na kanyang natanggap mula sa ilang mga barangay sa lungsod sa lantaran umanong panloloko ng nasabing grupo.
Maging ang naturang alkalde ay hindi rin kumbinsido sa operasyon ng naturang organisasyon, kung kaya’t inabisuhan niya ang mga itong walang problema kung magsasagawa sila ng mga orientation ngunit ibang usapan na umano kapag nanghihingi na ang mga ito ng pera mula sa kanilang mga benepisyaryo.
Binantaan rin nito ang WPF na sasampahan sila ng kaso kapag ipagpapatuloy ang naturang gawain.