LEGAZPI CITY – Mag-uumpisa nang mamahagi ng tulong ang 911 Search and Rescue Team na mula pang South Korea kasabay ng pagdating ng mga ito sa Albay.
Nakipagpulong muna ang team kay Governor Al Francis Bichara para sa isasagawang pag-iikot sa mga pinaapektado ng mga nagdaang kalamidad.
Ayon kay Danny Garcia, tagapagsalita ng gobernador sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, magsu-survey ang team na pinamumunuan ni Chairman Lee Kang Ho upang maitalaga ng tama ang team ng mga plumbers, medical at karpintero.
Tutulong ang team na mula sa pribadong sektor ng South Korea sa pagsasaayos ng mga bahay na nasira ng bagyo.
Lubos namang ipinagpapasalamat ni Garcia na kusang dumating ang grupo matapos na makita sa mga larawan at mabatid sa mga balita ang pinsala ng Bagyong Tisoy sa lalawigan.
Nasa 35 opisyal ng grupo ang kasalukuyang nasa lalawigan maliban pa sa mga tauhan.