-- Advertisements --
IMG 20191007 112849

Iginiit ngayon ng kampo ni Vice President Leni Robredo na mananatili sa puwesto ang pangalawang pangulo kahit ano man ang kalabasan ng electoral protest ni dating Sen. Bongbong Marcos sa kataas-taasang hukuman na nakatakdang desisyunan bukas.

Kasabay na rin ito ng paghahain ng legal counsel ni Robrero na si Atty. Romula Macalintal ng urgent motion para makakuha ng kopya ng committee report sa revision, recount at reappreciation ng mga balota sa tatlong pilot provinces partikular ang Camarines Sur, Iloilo at Negros Oriental.

Una rito, sa isinagawang press conference ng Korte Suprema noong Setyembre 10, kinumpirma ni SC Spokesman Brian Hosaka na tinapos na ng SC na tumatayong Presidential Electoral Tribunal (PET) na tapos na ang recount at revision ng tatlong pilot provinces na kasama sa iprinoprotesta ni Marcos dahil umano sa iregularidad ng halalan noong Mayo.

Ang summary ng committee report na isinulat ni Associate Justice Benjamin Caguioa ay patungkol sa resulta ng isinagawang revision at recount sa 5,415 polling precincts mula sa tatlong probinsiya.

Dahil dito nais ni Macalintal na makakuha sila ng kopya para maging transparent sa magkabilang panig sa naturang protesta.

Una rito, lumabas ang report na nanalo na raw ang kampo ng dating Senador sa bilangan matapos paboran ng mga mahistrado ang resulta ng recount sa botong 8-6.

Wala pang inilalabas ang kampo ni dating Sen. Marcos na reaksiyon sa naturang issue.