-- Advertisements --

Positibo ang pananaw ng Office of the Ombudsman na makatutulong ang pakikipag-ugnayan nito sa mga tanod-bayan ng ibang bansa para tutukan ang mga kasong may kinalaman sa maanomalyang flood control projects.

Ayon kay Deputy Ombudsman Jose Balmeo Jr, ang sinimulang Southeast Asian Ombudsman Forum 2026 ay maaring makapagbigay asiste sa kanilang isinasagawang pag-usig sa mga sangkot sa korapsyon.

Aniya’y dahil sa pakikibahagi ng Pilipinas, kung mayroon man ebidensyang nakalap ang mga miyembrong bansa rito ay posible nilang ipasa ang nakuha sa Ombudsman.

Habang kasabay sa isinasagawang pagpupulong, hindi din isinasantabi ang posibilidad na magamit ang matutuklasan mga ‘assets’ ng sangkot sa ‘intelligence gathering’ at ‘information sharing’ na isa sa mga ‘agenda’ ng forum.

Kung kaya’t naniniwala si Deputy Ombudsman Balemo Jr. na mapapadali nito ang pagproseso lalo na sa ‘forfeiture’ ng ‘assets abroad’ ng mga sangkot sa korapsyon.

Gayunpaman aminado si Deputy Ombudsman Balmeo Jr. na isa sa mga nakikitang hamon nila sa pag-usig at pag-iimbestiga ay ang pagkalap ng mga ebidensya.

Aniya’y ang ebidensya talaga ang siyang pangunahing hamon sapagkat dito raw nakasalalay ang tagumpay ng isang kasong ihahain sa korte.

Sa unang araw ng full members meeting ng Southeast Asian Ombdusman forum ay ibinida ni Ombudsman Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla na umabot na sa higit 200 ang tinutukan flood control case ng tanod-bayan kung saan apat rito’y pormal nang naihain sa kaukulang korte.