-- Advertisements --

Nanindigan ang panig ng kontrobersyal na Captain’s Peak Resort na pinayagan silang makapag-operate kahit na kulang ang kanilang mga dokumento.

Ito ang iginiit ng manager ng naturang viral resort na si Julieta Sablas kasunod ng kaliwa’t kanang pambabatikos na natanggap ng resort matapos na hindi magustuhan ng marami ang lokasyon nito na nasa gitna ng Chocolate Hills.

Aniya, kahit daw kulang sila sa Environmental Compliance Certificate ay pinahintulutan pa rin daw sila na i-operate ang nasabing resort.

Pag-amin niya, sa simula pa lamang daw ng kanilang pagsasaayos ng mga business permit ay inabisuhan na sila ng lokal na pamahalaan na makipag-ugnayan sa Protected Area Management Bureau kung saan sila sinabihan na magbigay ng kanilang mga proposed projects, at sa oras aniya na aprubahan ito ng bureau ay tsaka lamang sila mabibigya ng business permit sa LGU.

Nakakuha naman aniya sila ng clearance mula sa Protected Area Management Bureau kung saan nakasaad din na kinakailangan nitong makapag-comply sa Environmental Compliance Certificate requirements.

Pero muli ring inamin ni Sablas na hindi nila ito na-comply dahil na rin sa mga pagsubok dala ng tumamang COVID-19 pandemic sa bansa hanggang sa makalimutan na umano nila na asikasuhin nito.

Gayunpaman ay nagpatuloy pa rin aniya ang kanilang resort sa pag-ooperate kahit na batid nitong kulang sila sa mga kinakailangang dokumento, sapagkat hindi naman aniya sila pinatigil ng mga kinauukulan.

Kung maaalala, una nang pinagpapaliwanag ni Senate Tourism Committee chair, Senator Nancy Binay ang lokal na pamahalaan ng Bohol, at DENR kung bakit nagawang makalusot ng konstruksyon ng naturang sa resort sa gitna ng Chocolate Hills.

Habang sa bukod naman na pahayag ay una nang sinabi ng DENR na dati na itong naglabas ng Temporary Closure Order at Notice of Violation laban sa naturan resort na dinepensahan naman ng Bohol LGU kung saan sinabi nito na wala raw silang natatanggap na ganoong uri ng kautusan mula sa nasabing ahensya.