LEGAZPI CITY – Kinumpirma ng kontrobersiyal na si Peter Joemel Advincula o mas kilala sa pangalang Bikoy ang planong pagtakbo bilang alkalde ng bayan ng Donsol, Sorsogon.
Unang nakilala si Bikoy sa “Ang Totoong Narcolist” videos na inakusahan si Pangulong Rodrigo Duterte at mga taga-suporta na umano’y nasa likod ng kalakaran ng iligal na droga subalit kalauna’y binawi rin at inaming inutusan lamang umano ng mga taga-oposisyon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Bikoy, ngayong huling araw ng filing ng Certificate of Candidacy nakatakdang ipa-file ang kanyang certificate of candidacy (COC) bilang independent candidate sa pagka-alkalde ng Donsol.
Ayon kay Bikoy, nais niya umanong magkaroon ng tunay na pagbabago sa bayan habang ipinapasa-Diyos na lamang kung mananalo o hindi.
Aminado rin ito na inaasahan ng malaki ang epekto ng kinaharap na iskandalo sa “Ang Totoong Narcolist” videos subalit umaasa pa rin na mapagbibigyan ng pagkakataong makapagsilbi sa kanyang mga kababayan.