-- Advertisements --
PhilHealth 2

Dapat umanong ituring ng mga miyembro ng Philhealth na dagdag investment ang dagdag-singil sa kontribusyon o premium nila simula sa susunod na taon.

Sinabi ni Rey Balena, senior manager ng corporate communications ng Philhealth na mas mabuting isipin na ang kontribusyon ay pagsusubi para sa ating kalusugan.

Ayon kay Balena, kapag sa hindi inaasahang pagkakataon ay nagkasakit ang miyembro at naospital, malaki ang maitutulong ng kontribusyon para matustusan ang malaking bahagi ng gastusin sa pagpapagamot.

Kapag nangailangan aniya ang miembro para sa pagpapa ospital, mayroong benepisyong maaasahan mula sa Philhealth.

Nitong nakalipas na taon, sinabi ni Balena na nakapagbayad ang Philhealth ng 88 bilyong piso sa mga miyembro na nag-claim.

Sa katunayan pa aniya, hanggang nitong October 31 2022, nasa 110 bilyong piso na ang naibabayad ng Philhealth sa mga miyembro nito.

Epektibo sa enero ng 2023 tataas ng point 5% ang premium contribution ng mga miembro o magiging 4.5% na mula sa kasalukuyang 4% ng kanilang buwanang sweldo, pero kung may mga employer sila ay kalahati lamang nito ang kanilang babayaran.