-- Advertisements --

CEBU CITY – Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Republic Act 10022 o Immigrant Workers and Overseas Filipino Act of 1995 ang isang konsehal sa lungsod ng Cebu.

Isinagawa ang pagdakip kamakalawa kay Konsehal Regalado Hosiler Jr. sa loob mismo ng barangay hall ng Brgy. Day-as sa bisa ng warrant of arrest.

Inihayag pa ni Lieutenant Colonel Randy Caballes, hepe ng intelligence unit ng Cebu City Police Office (CCPO) na isinampa ng apat na nagreklamo ang kaso laban kay Hisoler noong taong 2018 na kalaunan ay inamin niyang kanyang mga trainees.

Nagbayad umano ang apat para sa isang trabaho sa ibang bansa sa kasosyo ni Hisoler sa Maynila, na nagpapatakbo ng isang recruitment agency ngunit hindi sila pinadala sa abroad upang magtrabaho.

Dagdag pa ni Caballes na responsable lamang umano si Hisoler sa pag-recruit sa apat na trainees.

Sinabi naman ni Hisoler na ‘yon ang dahilan kung bakit hindi niya maibigay kung magkano ang nabayaran ng mga nagreklamo dahil nakadirekta umano sa ahensya ng kanyang kasosyo sa Maynila ang paraan ng pagbayad.

Nakdetain na ngayon ang suspek sa detention cell ng CCPO hanggang matapos mapagpasyahan ng korte kung saan ito ikukulong.