Pormal na isusumite ng Dept of Budget ang Management sa Kongreso ang National Expenditure Program (NEP) para sa Fiscal Year 2023 ngayong araw August 22. Pangungunahan ni DBM Sec. Amenah Pangandaman ang ceremonial turn-over ng NEP kay House Speaker Martin Romualdez.
Personal na tutunghayan naman ito nina Majority Leader Mannix Dalipe, Minority Leader Marcelino Libanan, House Committee on Approproations chairman at Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co at senior vice chairperson, Marikina City Rep. Stella Luz Quimbo.
Alas-diyes ng umaga isasagawa ang pagsusumite sa Speaker’s Office na susundan ng briefing ng DBM. Kabuuang P5.268 trillion ang ipinapanukalang budget para sa susunod na taon.4.9% itong mas mataas kumpara sa P5.023 trillion na 2022 budget.
Ang halagang ito ay katumbas ng 22.1% ng GDP ng bansa. Pangunahing prayoridad para sa 2023 National Budget ang health related expenditures, disaster risk management, social security, digital economy/government, local government support, at growth-inducing expenditures.
Siniguro naman ng mga house leaders na tatapusin nila ang committee at plenary deliberations sa nasabing budget proposal bago ang October 1. Sisimulan naman ng appropriations committee ang pagdinig sa NEP sa darating na August 26,2022.
Ayon kay Rep. Quimbo target ng komite tapusin ang committee hearings sa September 16 para bigyang daan ang dalawang linggong plenary deliberations at third and final reading approval bago ang October 1 recess.