-- Advertisements --

Sinimulang busisiin ngayon ng Kongreso ang ugnayan ng SMNI ni Pastor Apollo Quiboloy sa gobyerno ng China batay sa umano’y partnership na pinag-uusapang pasukin sa pagitan ng istasyon at ng China Global Television Network (CGTN).

Sinabi ni Rep. Toby Tiangco (Navotas) na kailangang imbistigahan ng House Committee on Legislative Franchises ang partnership ng SMNI at CGTN dahil na rin sa nangyayaring panggigipit ng China sa mga barko ng Pilipinas gayundin sa mga mangingisdang Pilipino sa West Philippine Sea.

Ayon kay Tiangco, kailangang siguruhin na hindi nagagamit ng gobyerno ng China ang SMNI para magkalat ng fake news at para siraan ang posisyon ng gobyerno ng Pilipinas na ipagtanggol ang karapatan nito sa West Philippine Sea.

Napansin kasi ni Tiangco na gumagamit ang gobyerno ng China ng mga kakampi nilang media stations sa loob at labas ng kanilang bansa para i-justify ang kanilang mga ginagawang bullying tactics sa mga barko at bangka na naglalayag sa West Philippine Sea.

Inamin naman ni Atty. Mark Tolentino, abogado ng SMNI, na totoong may pag-uusap na nagaganap sa pagitan ng SMNI at CGTN para sa pagbubuo ng partnership.

Ayon kay Atty. Tolentino, hindi pa umano tapos ang pag-uusap na ito kaya wala pang kontratang napipirmahan sa pagitan ng dalawang istasyon.

Pero ibinulgar rin ni Atty. Tolentino na ang may isa pang kontrata na napirmahan sa pagitan ng Chinese embassy at SMNI Foundation para sa mga donasyon sa Davao City tulad ng pagtatayo ng basketball courts.