-- Advertisements --
image 88

Todo ngayon ang panawagan ng isang kongresista na paigtingin ang vaccination drive laban sa measles o tigdas.

Kasunod na rin ito ng ulat ng dahil ng Department of Health (DoH) na malaki umano ang posibilidad na magkaroon ng measles outbreak.

Ayon kay DoH-Officer-incharge Maria Rosario-Vergeire, ito ay dahil na rin sa mababang immunization coverage ng mga Filipino children.

Ayon kay Albay 2nd District Representative Joey Salceda, dapat umanong mapag-ibayo ang pagbabakuna ng pamahalaan kontra tigdas.

Nagbabala rin ang kongresista sa napipintong pagpapatupad ng 100 percent face-to-face classes sa Nobyembre ay maaring magdulot ng outbreak ng tigdas.

Paliwanag ng mambabatas na magiging madalas na kasi ang paghalubilo sa isa’t isa ng mga mag-aaral dahil sa face-to-face classes kaya’t hindi malayo na mapabilis nito ang pagkalat ng measles.

Tinukoy pa nito na base sa datos ng Department of Health (DOH), 63 percent pa lang ang mga bata at mga sanggol ang bakunado laban sa measles mula sa target na 95 percent.

Dapat din aniyang palakasin pa ng DOH, Department of Education (DepEd), at lokal na pamahalaan ang kanilang ugnayan upang mas maraming bata ang mabakunahan at maprotektahan mula sa tigdas.

Una rito, sinabi ni Vergeire na nagkaroon daw sila ng pagpupulong kasama ang World Health Organization (WHO) at United Nations International Children’s Emergency Fund (UNICEF) at lumalabas na ang bilang ng mga bata sa bansa na susceptible o madaling kapitan ng tigdas ay nasa tatlong milyon.

Sa ngayon, nasa 62.9 percent lamang daw na mga bata ang fully immunized sa bansa na malayo pa rin sa target ng pamahalaan na 95 percent.