Kinumpirma ni 33rd Infantry Battalion,Commander Lt. Col. Harold Cabunoc na bumubuti na ang kondisyon ng dalawang sundalong nasugatan sa isinagawang anti-narcotics operation kahapon sa Maguindanao.

Sinabi ni Cabunoc na sumasailalim pa rin sa medical treatment ang dalawang sugatang sundalo bagamat ang isa ay hirap pa rin makalakad.

“Okay na sila sa ngayon. Yong isa lang hirap maglakad,” wika ni Cabunoc.

Magugunita na kahapon ng umaga, nakasagupa ng mga sundalo mula sa 33rd IB kasama ang mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang mga hindi nakilalang 15 mga armadong indibidwal sa Barangay Lipao, Datu Paglas,Maguindanao na naging dahilan sa pagkumpiska ng iligal na droga na nagkakahalaga ng P500,000.