-- Advertisements --

Nanawagan ngayon sa international community ang mga mambabatas sa House of Representatives na magsagawa ng komprehensibong imbestigasyon sa mga ginagawang karumaldumal na pag-atake ng Houthi rebel.

Kasunod ito ng pinakahuling insidente ng pagpapakawala ng anti-ship ballistic missile ng Houthi rebels sa isang barko sa Gulf of Aden na ikinasawi ng dalawang Pilipinong tripulante, at ikinasugat naman ng tatlo pang crew members nito.

Sa pangunguna ni House Speaker Martin Romualdez ay nanagawan ang mababang kapulungan sa international community na mariing kondenahin ang mga ginagawang karahasan ng naturang militanteng grupo mula sa Yemen na tinawag din niyang “cowardly acts”.

Sa bukod naman na pahayag umapela rin ni Kabayan Rep. Ron Salo sa United Nations, world powers, at iba pang international organizations na magsagawa na ng mga kaukulang hakbang upang matigil at hindi na masundan pang muli ang mga ganitong uri ng karahasan.

Habang hinikayat naman ng lead author ng Magna Carta for Filipino seafarers bill na si Bohol Representative Kristine Tutor ang Department of Foreign Affairs na umapela sa mga kaalyadong bansa ng Pilipinas sa Middle East upang masiguro ang freedom of navigation and safety ng lahat ng mga barko na dumadaan sa Red Sea at Suez Canal.

Samantala, kaugnay nito ay nanawagan din si Speaker Romualdez sa Department of Migrant Workers, Overseas Workers Welfare Administration, at DFA na tiyakin ang pagpapaabot ng assistance para sa pamilya ng mga biktima ng naturang pag-atake ng Houthi rebels.

Magugunitang una nang inihayag ng DMW at DFA patuloy pa ring pinagpaplanuhan ngayon ng mga otoridad ang pagrerekober sa mga labi ng dalawang Pinoy crew members na nasawi sa insidente na kasaluyan pa rin naroroon sa inatakeng barko ng Houthi rebels. (With reports from Bombo Marlene Padiernos)