KALIBO, Aklan —- Inaabangan ng Filipino-American community ang magiging panindigan ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa relasyon ng Pilipinas sa Amerika.
Ayon kay Bombo International Correspondent Greg Aguilar, ito ang gustong malaman ngayon ng mga Pilipino sa naturang bansa matapos na ang dating administrasyong Duterte ay mas malapit sa China kaysa sa US.
Dagdag pa ni Aguilar na nagpapadala na ngayon ng imbitasyon ang Philippine Consul General sa New York sa mga interesadong Pilipino na dadalo sa pagtipon-tipon kasama si Pangulong Marcos sa kanyang nakatakdang state visit sa naturang bansa.
Maaring imbitahan rin umano ang ibang Fil-Am leaders mula sa ibang estado para sa nasabing okasyon upang marinig ang mga plano nito para sa Pilipinas sa kanyang termino.
Subalit, ”wait and see” aniya ang attitude ng majority ng mga Pinoy na hindi bomoto kay Marcos noong nakaraang eleksyon kung dadalo o hindi.
Si Marcos ay nakatakdang dumalo sa United Nations’ General Assembly na gaganapin sa New York.
Ani Aguilar maganda itong pagkakataon sa Presidente upang makasalamuha ang iba pang mga lideres ng iba’t-ibang bansa na dadalo sa nasabing event.
Ito ang magiging unang pagkakataon ni Marcos na makilala ang world leaders.