DAGUPAN CITY — “Hindi makatwiran at makatarungan.”
Ganito isinalarawan ni Elmer Labog ng Kilusang Mayo Uno sa eksklusibong panayam sa kanya ng Bombo Radyo Dagupan hinggil sa arbitraryong pagsasara ng Facebook sa social media page ng nasabing grupo at iba pang mga progresibong organisasyon gaya na lamang ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN), at Anakbayan.
Saad ni Labog na walang klarong mensahe o paliwanag na ibinigay ang management ng Facebook sa biglaang pagsasara ng mga pages ng mga progressive groups sa Pilipinas.
Dagdag pa nito na wala man lamang umanong anumang pagpapasintabi o abiso na natanggap bago isara ang kanilang Facebook page.
Wala rin aniya silang nakikita na malinaw na batayan kung bakit ito nagawa ng patnugutan ng naturang social media platform, maliban na lang kung naka-base ang desisyon na ito sa pagkakaroon nila ng pagkakatulad sa mga ipino-post na mga events na may kaugnayan naman sa propesyon ng pumanaw na founder ng Communist Party of the Philippines na si Jose Maria “Joma” Sison.
Kung tutuusin, ani Labog, ay maituturing na epektibong pamamaraan ang paggamit ng Facebook bilang forveyor of news o tagapaghatid ng balita, gaya na lamang ng radyo, telebisyon, at dyaryo, upang maabot ang mga manggagawang Pilipino at maisulong ang kanilang mga karapatan.
Bagamat tanging ang official Facebook page lamang ng Kilusang Mayo Uno ang isinara at hindi naman naapektuhan ang mga individual pages ng mga kaanib nito ay isa pa ring napakahalagang bagay pa rin ang kanilang main social media page sa national organization at dapat umano itong maibalik sa lalong madaling panahon.
Saad pa ni Labog na ngayon lang ito nangyari, at kahit pa noong administrasyon pa ng dating Pangulong Rodrigo Duterte kung saan naging talamak ang pagatake sa mga media personality at ilang pang miyembro ng mga progresibong organisasyon ay hindi nila ito naranasan.
Sa ngayon aniya ay plano naman ng kanilang grupo na idulog sa Commission on Human Rights ang kanilang lehitimong karapatan sa malayang pamamahayag na dapat ay hindi nalalabag o natatanggal bilang isang constitutional right.
Dagdag ni Labog ay kanila ring susubukang makausap ang Facebook Management sa Pilipinas upang mabigyan sila ng kasagutan kung bakit bigla na lamang tinanggal ang kanilang page nang wala man lamang sapat na pagpapaalam o pagsasabi ng naging batayan nila sa pagsasagawa nito sa kanila.
Maliban dito ay tinitignan din nila ang pakikipagugnayan sa iba pang mga grupo na tinanggalan din ng mga pages ng Facebook nang sa gayon ay sabay-sabay na nilang maipanawagan at kahilingan sa pagkondena sa ginawa ng nasabing social media platform na pagtatanggal sa karapatan ng mga progresibong grupo na malayang makapagpahayag sa isang demokratikong lipunan.
Kaugnay nito ay ikinatuwa naman nila aniya ang naging pahayag ng Commission on Human Rights sa pagtuligsa sa ginawa ng Facebook na pagkansela sa mga nasabing pages sa papular na social media platform at itinuturing nila ito bilang isang “matinding paglabag sa freedom of expression at free speech.”
Panawagan naman ng kanilang grupo kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na dapat ay pumagitna ito sa naturang usapin bilang pagpapatunay na rin niya na hindi siya katulad ng kanyang hinalinhan at kung talaga bang naiiba ito sa kanyang ama sa pamamagitan ng pagbibigay ng kalayaan ng pagpapahayag ang mga progresibong organisasyon at hindi pagiging balat sibuyas sa mga kritisismo na ibinabato sa kanyang administrasyon.