-- Advertisements --

Muling nanawagan ang kampo ni Veronica “Kitty” Duterte sa Korte Suprema na agarang aksyunan ang nakabinbing mga petisyon na humihiling sa pagbabalik sa Pilipinas ni dating Pangulong Rodrigo Duterte mula sa kustodiya ng International Criminal Court (ICC).

Sa isang 13-pahinang “motion to resolve,” iginiit ni Kitty na mahigit 14 buwan na umanong nakabinbin ang kaso sa Korte Suprema at halos anim na buwan na mula nang maghain sila ng unang urgent motion.

Ayon sa kanya, ang patuloy na hindi pag-aksyon ng Kataas-taasang Hukuman ay nakakasira umano sa kalayaan na dapat pinoprotektahan ng mga korte, at maaaring magdulot ng pagkawala ng tiwala ng publiko sa hudikatura.

Sa hiwalay na petisyon, hiniling nina Kitty, Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte, at Davao City 1st District Rep. Paolo “Pulong” Duterte na ipauwi ang dating Pangulo at ipakita siya sa mga awtoridad ng Pilipinas.

Binanggit din ni Kitty ang isang Senate resolution na aniya’y sumusuporta sa pagprotekta sa mga Pilipino laban sa umano’y ilegal na pag-aresto o “extrajudicial rendition” ng kanyang ama.

Si dating Pangulong Duterte ay naaresto noong Marso 2025 batay sa warrant mula sa ICC kaugnay ng kasong crimes against humanity na may kinalaman sa umano’y mga pagpatay sa ilalim ng kanyang anti-drug campaign.

Kasalukuyan siyang nakakulong sa The Hague, Netherlands para sa nalalapit na paglilitis ng Pre-Trial Chamber.