-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Nakatakas mula sa mga kamay ng suspected kidnappers ang 17 anyos na unang dinukot habang papauwi sana sa bahay mula sa paaralan sa bayan ng Maramag,Bukidnon.

Ito ay matapos ilipat na sana ng hindi kilalang abductors sa ibang sasakyan ang biktima na si alyas Junjun nang dumating sila mula Bukidnon patungo sa Barangay Nazareth ng Cagayan de Oro City kagabi.

Inihayag ni Police Staff Sgt Jaime Ipas ng Divisoria Police Station na nangyari ang pagdukot sa biktima ng bigla itong dinampot ng isang lalaki at puwersahang binalot ang kanyang ulo at ipinasakay ng isang old model van.

Salaysay umano ng biktima na nasa anim na oras ang estimate nito na nagbi-biyahe sila mula Bukidnon papunta sa Cagayan de Oro City.

Subalit nang makakita ng pagkakataon makatakas ay bigla itong tumakbo hanggang nakita ng nagpa-patrol na police car ng Divisoria Police Station at tuluyang nailigtas mula sa kidnappers.

Agad tinawagan ang pamilya ng biktima mula sa bayan ng Kitaotao,Bukidnon kaya nasa ligtas na itong kalagayan habang pilit nilalabanan ang pagka-trauma.

Nangagalaiti naman sa galit ng pamilya ng biktima at tinitiyak na maghahain ng kasong kidnapping laban sa mga taong responsable ng kidnapping.