CENTRAL MINDANAO – Naglagay ng thermal scanners ang city government ng Kidapawan sa mga pampublikong lugar kontra COVID-19.
Ginawa ito upang mapigilan ang posibleng pagkalat ng Coronavirus Disease.
Inaasinta ang thermal scanner upang malaman kung may lagnat ang isang indibidwal na siya isa sa pangunahing sintomas ng COVID-19.
Kapag nagrehistro ang thermal scanner ay ire-record ang kanyang pagkakakilanlan at ang lugar kung saan siya nakatira upang madaling mahanap ng city government at agad mapigilan ang posibleng pagkalat ng COVID.
Ginagamit na ang thermal scanners sa City Hall, Overland terminal, City hospital at Mega Market.
Nakalagay ang scanners sa mga lugar kung saan papasok ang publiko patungo sa naturang mga lugar.
Sa kasalukuyan, ay nasa apat na lang ang mga persons under monitoring (PUM’s) sa lungsod mula sa labindalawa (12) na unang naiulat ng City Health Office.
Muling pinananawagan sa publiko na panatilihing malinis ang sarili at patibayin ang resistensya upang makaiwas na magkasakit.
Maliban sa mga thermal scanners, naglagay na rin ng hand sanitizers na may 60-70% alcohol solution ang City Government sa mga opisina nito bilang dagdag pag-iingat.
Hinihikayat ni Kidapawan City Mayor Joseph Evangelista ang mga pribadong establisyemento na maglagay din ng kani-kanilang hand sanitizers at thermal scanners para mapigilan ang posibleng pagkalat ng COVID-19.










