-- Advertisements --

VIGAN CITY – Pinuri ni Herman Basbaño, presidente ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas ang hakbang ng Philippine National Police na masiguradong nasa ligtas na kalagayan ang mga kasapi ng media ngunit aniya ay kinakailangang baguhin ang kanilang hakbang na biglaang pagpunta ng mga ito sa bahay ng mga media man.

Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Basbaño, hindi magandang tignan ang biglaang pagpunta sa mga kabahayan dahil batid niya na talagang may takot na maidudulot ito lalong-lalo na kung hindi sila nakauniporme at hindi nila alam na pulis ang mga nagsisipunta.

Iginiit din nito na mas makabubuti umano kung sumailalim muna ito sa opisina ng mga media entity upang maipaalam din sa mga media station o media organizations na may ganitong hakbangin.

Maaari rin aniya ito ay sa pamamagitan ng broadcast, print o online imbes na direktahan ang pagpunta ng mga kapulisan nang walang paalam sa bahay ng mga media personnel.

Kinakailangan umano na mareview ang nasabing hakbang na nagdulot ng pagkakagulat ng mga nasa media at marapat din aniyang mapag-usapan at mapag-aralan kung ano ang mas mabuting gagawin nang sa gayon ay walang mangyayaring apprehension at upang walang kwestyon o pagdududa ang mga kasapi ng media.