-- Advertisements --

Kinontra ni Philippine National Police (PNP) chief police director Gen. Ronald Dela Rosa ang pahayag ni Sen. Dick Gordon na wala silang ginagawang aksyon lalo na sa mga kaso laban sa riding-in-tandem criminals.

Sinabi ni Dela Rosa na posible hindi updated ang senador sa mga accomplishments ng PNP lalo na sa mga riding-in-tandem.

Pagmamalaki ni Dela Rosa na marami silang accomplishments sa kanilang kampanya sa riding-in-tandem, bagkus ay marami ang naaresto habang ilan dito ay nasawi.

Sa isinumite raw na accomplishments ng Southern Police District, nakasaad na apat ang napatay, 53 ang nadakip, at 45 ang kanilang kinasuhan.

Una rito, tinawag ni Sen. Gordon si Dela Rosa na “batugan” dahil wala umanong ginagawa kaya patuloy sa pamamayagpag ang mga riding-in-tandem.

Gayunman, nirerespeto raw ni Dela Rosa ang mga puna at kung anu-anong mga pangalan na tinatawag sa kaniya pero aminadong napipikon.

Ayon pa kay Dela Rosa, kapalit ito ng suweldo na kaniyang tinatanggap bilang hepe ng pambansang pulisya.

Binalaan nito ang mga nagmamagaling umano niyang mga kritiko sa pagsasabing kapag tuluyan siyang napikon ay magiging Bato Machine Gun o kaya ay Gatling Machine Gun.

Pagtiyak ni Dela Rosa na hindi nila pinababayaan ang problema sa mga kriminal na gumagamit ng motorsiklo.