-- Advertisements --

Naniniwala si Tourism Sec. Christina Frasco na malaking puntos para sa kampanya ng bansa sa turismo ang naging kasunduan nito sa Japan.

Ginawa ang paglalagda sa pagitan ng DOT at Japanese Governments sa pamamagitan ng Ministry of Land, Infrastructure, Transport, and Tourism (MLITT), kasabay ng pagdalaw sa bansa ni Japanese Prime Minister Fumio Kishida.

Lumagda para sa panig ng Pilipinas si sec. Frasco, habang ang counterpart naman nito sa Japan na si Minister Tetsuo Saito ang pumirma sa memorandum of cooperation para sa turismo.

Ito ang unang stand alone cooperation agreement sa pagitan ng dalawang bansa.

Sa ilalim ng kasunduan sa kooperasyon, nagkasundo ang dalawang bansa na palakasin at paunlarin pa ang ugnayan ng Pilipinas at Japan sa larangan ng turismo sa pamamagitan ng pagpapataas ng mga turistang dumating para sa parehong bansa mula sa mga pandaigdigang merkado.

Kaakibat din nito ang paghikayat sa mas maraming turista na bisitahin ang iba’t ibang destinasyon at atraksyon, kabilang ang mga rural areas sa bansa ng bawat isa.

Ganun din ang paghikayat sa kapwa mamamayan ng mga bansa na mapa-unlad ang aspetong pang edukasyon, kultura, gastronomy, sustainable na turismo, at iba pa.

Itinuturing ang Japan bilang isa sa nangungunang pinagmumulan ng mga bisita na may halos 250,000 na mga turista.