-- Advertisements --
missing sabungero suspects

Nakatakdang sampahan ng kasong kidnapping ang dalawang bagong suspek na sangkot sa pagkawala ng 34 na mga sabungero sa Laguna na natukoy ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group.

Kasunod ito ng pagsasapubliko ng pulisya sa computerized facial composite ng dalawa mula sa isang “secret cellphone video” na may kaugnayan sa nasabing pagdukot sa mga sabungero.

Sa pulong balitaan ngayong araw na ginanap sa Kampo Crame ay sinabi ni PNP-Criminal Investigation and Detection Group spokesperson PMaj. Mae Ann Cunanan na kasalukuyan na nilang inihahanda ang reklamong kriminal na isasampa sa dalawa sa Department of Justice kasabay ng patuloy na pangangalap ng pulisya sa mga dagdag na ebidensya na may kaugnayan sa nasabing krimen.

Nagpapatuloy pa kasi aniya ang paggulong ng imbestigasyon ukol dito kung saan inaalam pa nila kung ano pa ang ibang involvement ng mga ito sa nasabing kaso.

Isa rin kasi sa mga tinitignang anggulo ng mga otoridad ngayon ang posibilidad na miyembro rin ng pulisya ang nasabing mga suspek o ang mga ito ba ay kabilang sa isang organized crime group.

Batay sa inilabas na larawan ng Philippine National Police na computerized facial composite ng dalawang suspek ay lumalabas na isa sa mga ito ay isang lalaki na may tangkad na 5’7 o 5’8, malaki ang pangangatawan, at nasa 35 hanggang 40 yrs old na ang edad.

Habang isang suspek naman na kinilala bilang si alyas Dondon ay tinatayang nasa 5’6 o 5’7 ang tangkad, malaki ang pangangatawan, at may edad na 45 hanggang 50 taong gulang.

Kung maaalala, una nang inihayag ng Criminal investigation and Detection group ng Philippine National Police ang nasabing panibagong development hinggil sa kaso ng pagkawala ng 34 na sabungero sa Sta. Cruz, Laguna matapos na mapasakamay ng pulisya ang isang “secret cellphone video” kung saan makikita ang isa sa mga nawawalang sabungero na si Michael Bautista na nakaposas kasama ang dalawang lalaki.