Nagbabala ang Department of Transportation (DOTr) sa mga tsuper ng public utility vehicles (PUVs) na sasama sa weeklong transport strike simula ngayong araw na maaaring maharap ang mga ito sa administrative at criminal sanctions kabilang na ang revocation ng kanilang prangkisa.
Ayon kay Transportation Undersecretary for Legal Affairs Reinier Yebra, ang administrative penalties ay maaaring magresulta mula sa paglabag sa mga termino ng prangkisa na iginawad sa mga tsuper ng dyip at operators.
Aniya, ang isang franchise holder ay may obligasyon na magbigay ng serbisyo sa publiko at kapag nabigong gawin nito ang kaniyang mandato at sa halip ay nagsagawa ng welga, nilabag nito ang kondisyon sa kanyang prangkisa na maaaring ma-revoke.
Paliwanag pa ni Yebra na ang mga sumali sa strike ay maaaring makasuhan ng kriminal kapag nakasakit ang mga ito ng tao o nakasira ng ari-arian.
Binigyang diin pa ng DOTr official na ang pagkakaroon ng prangkisa ay hindi isang karapatan kondi pribilehiyo lamang na maaaring bawiin ng estado anumang oras kapag hindi nakasunod sa mga kondisyon.