-- Advertisements --
wellmed

Ibinasura ngayon ng Quezon City Regional Trial Court (RTC) ang kasong estafa thru falsification of public/official document laban sa may-ari at co-owner ng WellMed Dialysis Center dahil sa teknikalidad.

Sa kautusang inilabas ni Judge Janet Abergos-Samar ng Branch 219 ng QC-RTC kinatigan nito ang inihaing motion to quash na isinampa ni Brian Sy, ang itinuturong may ari ng WellMed Dialysis Center laban sa isinampang reklamo ng National Bureau of Investigation (NBI) dahil na rin sa kawalan ng hurisdiksyon sa kaso.

Pero puwede naman itong i-file sa tamang hukuman.

Paliwanag ni Judge Samar, ang inihain kasing reklamo na estafa ay mahigit sa P5,000 at P39,000 lamang ang multa at may parusang dalawang buwan at isang isang araw hanggang anim na buwan.

Ang falsification of public or official documents ng isang private individual ay may parusa lamang na maximum penalty ng dalawang taon at apat na buwan hanggang anim na taon.

Ang naturang mga kaso raw ay dapa isampa ng NBI sa Metropolitan Trial Court (MTC) na siyang may hurisdiksyon sa mga naturang kaso.

Binigyang diin naman ni Judge Samar na ang pagka-dismiss ng nasabing kaso ay hindi sa merito ng kaso kundi sa usapin lamang ng hurisdiksiyon at hindi ang usapin ng pananagutan ng mga akusado.