Tumataas ang bilang ng mga kaso ng Human Immuno-deficiency Virus-Acquired Immune Deficiency Syndrome o HIV-AIDS sa Negros Oriental.
Batay sa kamakailang infection data, ipinapakita na may patuloy ang transmission o mga bagong kaso ng Human Immunodeficiency Virus sa lalawigan.
Inihayag ni Provincial Health Officer Junife Amada, mula noong 1984 hanggang sa Hulyo ng taong 2023, mayroong 560 na kaso ang naitala kung saan 64 na ang namatay sa kaparehong period.
Sa nakaraang taon pa mula Enero hanggang sa buwan ng Hulyo, 105 na kaso ang naitala na may average na 15 kaso kada buwan.
Tinamaan pa dito ang may edad 19 hanggang 34 anyos at nakukuha sa pamamagitan ng pakikipagtalik ng lalaki sa kapwa lalaki.
Gayunpaman, ibinunyag ni Amada na tumataas ngayon ang kaso ng naturang sakit sa mga may edad 15 hanggang 19 na taong gulang.
Aniya, nadetect at na identify na tumataas ang bilang ng mga kaso dahil nagkaroon din umano sila ng maraming testing sites.
Idinagdag pa nito na lahat ng mga lgus sa probinsya ay may mga kaso na kaya naman panawagan nito sa lahat na magpasuri dahil libre lang naman umano ito at walang dapat katakutan.
Kapag hindi pa umano naagapan ang HIV ay mauuwi ito sa AIDS kaya mas mabuti na umanong maagapan ng maaga.
Inaasahan naman na dodoble pa ang bilang ng nasabing sakit sa susunod na anim na taon.
Patuloy naman aniya ang kanilang kampanya sa mamamayan na magkaroon ng ligtas na pakikipagtalik at hinimok na magpatest.