BAGUIO CITY – Naitala ng Camp Allen Day Care Center sa lungsod ng Baguio ang isang kaso ng Hand, Foot and Mouth Disease (HFMD) sa mga mag-aaral nito.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Camp Allen Punong Barangay Maribel Estacion, sinabi niya na agad dinala ng isang ina sa pagamutan ang anak nito na nakaramdam ng lagnat at mga pantal sa balat.
Nakumpirma aniya sa pagamutan na positibo ang bata sa HFMD kaya hindi na ito pinapasok ng ina sa loob ng 10 araw na inirekomenda ng doktor.
Gayunman, sinabi ng kapitan na isang ina ang naghayag ng posibilidad na nahawa ang anak nito sa nasabing sakit.
Sa ngayon, hindi pa ito nakakuha ng update kung dinala ng nasabing ina ang anak nito sa pagamutan.
Dahil dito, ipinag-utos niya ang pagbasura ng day care teacher sa mga laruan ng mga bata para hindi na mahawa ang iba pang mga batang nag-aaral doon.
Maaalalang tatlong mag-aaral ng San Roque Day Care Center dito din sa Baguio City ang unang napabalitang nagpositibo ng HFMD na nagresulta sa pagsuspindi sa klase ng nasabing center sa loob ng 10 na araw para sa isasagawang paglilinis.
Ipinapaalala naman ng Baguio City Health Services Office na ang HFMD ay isang nakakahawang sakit mula sa maruming kapaligiran na karaniwang bumubiktima sa mga batang edad lima pababa kung saan karaniwang sintomas ay lagnat, mouth sores at mga pantal sa balat.