-- Advertisements --
viber image 2023 05 10 07 19 55 718

Tiniyak ng Department of Justice ang pag-usad ng mga kaukulang kaso laban sa mga indibidwal at grupo na nasa likod ng scam hub sa Clark Pampanga na sinalakay ng mga operatiba kung saan umabot sa mahigit isang libong katao ang nailigtas.

Sa isang pahayag, sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na makikipag-ugnayan ang kanilang ahensya sa Philippine Amusement and Gaming Corporation upang matukoy ang mga kumpanyang napagkalooban ng lisensya upang makapag patakbo ng Philippine Offshore and Gaming Online sa bansa.

Ayon sa kalihim, magsasagawa ng imbentaryo sa mga nabigyan ng lisensya ang Philippine Amusement and Gaming Corporation upang alamin ang mga kumpanyang inisyuhan ng lisensya at upang matukoy ang iba pang indibidwal nasa likod ng naturang operasyon.

Aniya, nakatakda din siya na makipagpulong sa Bureau of Immigration upang alamin ang mga nationality ng mga sangkot sa cyber fraud.

Noong Sabado ay nasimulan na rin ng mga awtoridad ang inquest proceeding sa mga nadakip na suspected traffickers.

Nasiyasat na rin ang mga nakumpiskang computers na kung saan bumuluga sa mga kinauukulan ang malawakang Cyber Scheme Fraud na ginagawa ng mga nahuling indibidwal.

Mahaharap sa mga kasong may kinalaman sa Human Trafficking in relation to violation of Anti-Cybercrime law, Serious Illegal Detention/Kidnapping, Violation of Immigration Laws ang mga indibidwal na naaresto at ang Justice Department mismo ang maghahabla sa kanila.

Kung maaalala, nagsagawa ng operasyon ang mga awtoridad noong May 4 ng kasalukuyang taon bitbit ang search warrant sa Clark Sun Valley Hub Corporation sa Clark Freeport at sa Special Economic Zone sa Mabalacat Pampanga.

Sa isinagawang operasyon , mahigit isang libong biktima ang na rescue ng mga kinauukulan.

129 dito ay mga Pilipino habang ang iba pa ay foreign national na nagmula sa China, Hongkong, Indonesia, Malaysia, Myanmar,Nepal, Taiwan, Thailand, at Vietnam.

Batay rin sa mga nakuhang ebidensya, nabatid na ang mga biktima ay ni recrute bilang call center agents para enganyuhin ang mga foreign customer mula sa United States, Canada, at Europe na mag invest sa tinatawag na Cryptocurrency.

Nakatakda namang sumailalim sa preliminary investigation ang mga nahuling pinaghihinalaang traffickers sa Mayo a-15 ng kasalukuyang taon.

Nagpa alala naman ang Department of Justice sa publiko na maging mapanuri at ipagbigay alam kaagad sa mga kinauukulan sakaling may makitang ilegal na gawain katulad ng Cyber Scheme Fraud.