Inihayag ni House Deputy Majority Leader at Iloilo Rep.Janette Garin na karapatan ni Sen. Imee Marcos na imbestigahan ang AKAP pero sana hindi ito makaka-apekto sa pagpasa ng mga makabuluhang batas.
Binigyang-diin ni Garin na maganda ang layunin ng AKAP o Kapos ang Kita Program at sana huwag naman itong siraan.
Ayon sa Lady solon, welcome ang anumang imbestigasyon dahil mapatutunayan na wala itong anomalya.
Ini-uugnay kasi ni Sen. Imee ang AKAP sa People’s Initiative kapalit ng pirma sa isinusulong na Charter Change.
Panawagan ni Garin na huwag ng pulitikahin ang programa na may magandang layunin na tulungan ang mga kababayan na kulang ang buwanang kita.
Layunin ng AKAP na bigyan ng tulong ang mga manggagawa na nasa katergoya ng “near-poor families” na may monthly income na P23,000 pababa.