-- Advertisements --

Kapag gumanda na ang lagay ng panahon ngayong araw ay may labindalawang kasapi ng Special Action Force ang ililipad ng eroplano patungong Divilacan upang tumulong sa rescue operations.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Provincial Disaster Risk Reduction Management Officer Atty. Constante Foronda na siya ring nangunguna sa Incident Management Team na may apatnaput dalawa ring kasapi ng Special Action Force na galing maynila ang bibiyahe ngayong araw patungong Lunsod ng Tuguegarao at bibiyahe patungong Coastal town ng Divilacan.

Sa kasalukuyan ay mayroon nang 146 katao na kinabibilangan ng mga sundalo, pulis, BFP Personnel, Rescue teams ng mga LGUs, mga opisyal ng Barangay, mga katutubong Dumagat at Agta ang naghahanap ngayon sa lugar na posibleng kinaroronan ng eroplano.

Bagamat masama ang panahon sa Sierra Madre ay nagpapatuloy ang kanilang paghahanap sa Site Alpha kung saan may nakitang white object sa taas ng bundok habang naghahanap din ang mga kasapi ng Phil. Army sa ibang lugar.