-- Advertisements --

Dinagdagan pa ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang tulong pinansiyal na kanilang iaabot sa mga residenteng tinamaan ng magkakasunod na lindol sa Mindanao.

Ayon kay Labor Sec. Silvestre Bello III mayroong inilaan ang DOLE na P200 milyong pondo para sa initial employment assistance ng kagawaran para sa mga kukuning manggagawa na apektado ng lindol.

Dagdag ni Bello, hiniling din niya sa board ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na agad aprubahan ang pagpapalabas ng tulong pinansiyal o cash assistance sa mga pamilya ng mga overseas Filipino workers (OFWs) sa mga apektadong lugar.

Maalalang noong Linggo, binisita ng kalihim ang mga lugar na niyanig ng lindol at inatasan nito ang mga opisyal ng DOLE regional offices na madaliin ang emergency employment para sa mga nawalan ng trabaho at magkaloob ng livelihood assistance sa mga manggagawa sa informal sector na tinatayang aabot sa kalahating milyong piso.

Dagdag ng kalihim, maaring kakailanganin nila ng kalahating bilyong piso para mabigyan ng ayuda ang mga apektado ng lindol at maipatupad emergency employment sa lugar.

Kasabay nito, sinabi rin ni Bello na maglalaan ang OWWA ng calamity assistance para sa pamilya ng mga OFWs na aktibong miyembro ng OWWA na apektado ng lindol.

Nasa P3,000 ayuda ang ibibigay ng OWWA para sa kada pamilya ng OFW sa mga lugar na nilindol.

Para sa mga kuwalipikadong pamilya ng OFW na nais makakuha ng tulong mula sa OWWA, pinapayuhan kayong magtungo sa pinakamalapit na tanggapan ng OWWA o DOLE o tumawag sa kanilang hotline na 1348.

Nauna nang nagpadala ang DOLE ng kanilang mga senior labor officials gayundin ang quick response team sa Mindanao para tingnan ang lawak ng pinsala ng lindol sa mga apektadong manggagawa.