Inirekominda ni GSIS President Rolando Macasaet sa Kongreso na bigyan ng karagdagang 30-day paid leave credits ang mga government employees na matamaan ng COVID-19.
Ginawa ni Macasaet ang naturang suhestiyon matapos talakayin kahapon ng House Defeat COVID-19 Committee ang consolidated proposals nila House Committee on Ways and Means chairman Joey Sarte Salceda at Marikina City Rep. Stella Quimbo para mapahupa ang epekto ng COVID-19 crisis sa ekonomiya ng Pilipinas.
Base sa proposal, na may titulong “Philippine Economic Recovery Act,” magbibigay ng employee compensation ang GSIS at Social Security System (SSS) sa mga business entities at government agencies na apektado ng public health crisis na ito sa pamamagitan nang paggawad ng sick leaves sa mga empleyadong nahawa sa COVID-19.
Halimbawa, ang SSS ay magbibigay ng compensation sa mga business entities kapalit sa ibinayad na sahod lagpas sa paid sick leave ng empleyadong nahawa sa sakit.
Direkta namang bibigyan ng GSIS ng compensation ang mga government employees na magpositibo sa COVID-19 bilang kapalit sa lahat ng salary deductions sa oras na maubos na ang paid sick leaves ng mga ito.
Bibigyan ang SSS at GSIS ng tig-P500 million para sa probisyon na ito sa ilalim ng proposal nila Salceda at Quimbo.
Pero para kay Macasaet, sa halip na bigyan ng compensation ang mga government employees, maaring bigyan na lamang aniya ng karagdagang sick leaves ang mga ito.
Ang P500 million aniya na ibibigay sa GSIS para ay maaring ibigay na lamang sa SSS upang mas maraming employees sa business entities ang masasakop nito.