-- Advertisements --

Limang araw bago ang pagdiriwang ng ika-50 Sinulog sa Carmen sa darating na Enero 22, todo na ngayon ang paghahandang ginawa ng mga opisyal ng Kapitolyo sa pangunguna ni Cebu Governor Gwendolyn Garcia at iilang local government units para sa aktibidad.

Inaasahang magiging makulay ang selebrasyon dahil sa partisipasyon ng iba’t ibang contingents mula sa probinsya ng Cebu at ang highly-urbanized city na Lapu-lapu City at Talisay City na una nang nagbackout sa Sinulog nitong lungsod ng Cebu dahil sa isyu ng kalusugan at kaligtasan.

Umabot sa hindi bababa sa 22 ang lalahok na contingents para magtatanghal sa open category at local clustered barangay category.

Nakalatag na rin ang mga plano sa traffic at mahigpit na pagpapatupad ng seguridad sa lugar para masigurong maayos na maisagawa ang aktibidad.

Inihahanda na rin ang akomodasyon, ilang mga pagsasaayos para sa venue at ang mga premyo na ibibigay na ayon pa ay magiging sorpresa para sa lahat ng contingent.

Tiniyak naman ni Garcia sa mga kalahok na LGU na sasagutin ng pamahalaang panlalawigan ang logistics, premyo at iba pang kakailanganing materyales.

Gaya naman ng unang ipinangako ng gobernadora na tradisyonal na pagsayaw nito ng Sinulog, kasama itong magperform sa guest contingent mula sa bayan ng Consolacion.

Samantala, ang Sinulog sa Carmen pa ang orihinal at ang unang nagdiwang ng Sinulog Festival sa Cebu kaysa sa engrandeng Sinulog Festival ng Cebu City.

Taong 1973 pa lang ng nag-organisa ang bayan ng Carmen ng Ati-atihan themed Sinulog dahil sa isang pari mula sa Kalibo Aklan na nagdala ng konsepto.

Sa paglipas ng taon, ito ay umunlad at kinilala bilang Sinulog sa Carmen.