CEBU CITY – Labis na naghihinagpis ang ina ng 14-anyos na dalagita kung saan natagpuan itong patay at ginilitan ang leeg sa Brgy. Guimbawian, sa bayan ng Pinamungajan, Cebu.
Isinalaysay ni Bina Andayop, ina ng biktimang si Justine Andayop, na hindi niya nakita ang kanyang anak mula noong Oktubre 11 dahil nagbebenta siya ng gulay sa Carbon Public Market noong panahong iyon.
Laking gulat na lang daw ni Bina nang malaman na nawawala ang anak kanyang anak na si Justine at hindi ito makapaniwala nang mabatid na pinaslang na pala ito.
Malaki ang paniniwala ng ina na ang kapitbahay nito ay ang responsable sa pagpatay sa kanyang anak.
Samantala, nagpapatuloy naman ang imbestigasyon ng PNP sa pagkamatay ng biktimang si Justine Andayop kung saan wala pa silang nakikitang motibo.
Ayon sa hepe ng Pinamungajan Police Station na si Major Felicisimo Aranas Jr., na hinahanap pa nila ang kapitbahay ng menor-de-edad kung saan siya umano ang tinuturo nilang person of interest.
Napag-alaman mula sa pamilyang Andayop na may isang lalaki na palaging nagmamasid sa magkapatid.
Isasailalim naman sa forensic examination ang cellphone ng dalagita upang makapagkalap sila ng impormasyon tungkol sa background ng biktima.