-- Advertisements --

Naghahanap ang House prosecution panel ng isa pang abogado na magsisilbing legal spokesperson upang tumulong sa pagpapaliwanag ng mga kaganapan sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte at labanan ang umano’y fake news at disinformation.

Ayon kay private prosecutor at legal spokesperson Atty. Benjamin “Jay” Tolosa Jr., kailangan niya ng kapalit sa pagbibigay ng pahayag sa publiko kapag siya na ang hahawak sa presentasyon ng mga testigo sa paglilitis. 

Aniya, mahalagang may abogado ring may karanasan sa litigation na makapagpapaliwanag ng mga teknikal na usapin sa korte.

Sinabi rin ni Tolosa na susunod silang mabuti sa sub judice rule at magiging mas maingat sa kanilang mga pampublikong pahayag habang nagpapatuloy ang impeachment trial. 

Patuloy pa rin aniya ang paghahanap ng angkop na kandidato para sa tungkulin.