Kapatid ng isang mayor sa Negros Oriental, natagpuang patay at binalot ng kumot; 3 suspek, nasa kustodiya na ng mga otoridad kabilang ang isang Danish national
Nasa kustodiya na ngayon ng mga otoridad ang tatlong indibidwal na nasa likod ng pagpatay sa kapatid ni Valencia Mayor Edgardo Teves Jr. sa Brgy. Calayugan, Valencia, Negros Oriental.
Kinilala ang mga ito na sina Tim Moerch, 45 anyos, isang Danish national; John Edward Remullo alyas Wolverine at Maila Ozoa Cagasan.
Sa panayam ng Star Fm Cebu kay PMaj Roger Quijano, sinabi nitong positibo pang itinuro ng mga saksi ang nabanggit na indibidwal na umano’y nasa likod ng pagpatay sa 42 anyos na biktimang si Don Paulo “PaoPao” Teves.
Base sa kanilang inisyal na imbestigasyon, nakatanggap nalang sila ng tawag na may natagpuang bangkay na binalot ng kumot at itinapon malapit sa basurahan.
Nagtamo si Teves ng tama sa ulo dahilan sa pagkamatay nito.
Dagdag ni Quijano na nakarekober sila ng isang homemade frontier 5.56 na umano’y ginamit na armas at may kinordon na rin silang bahay na subject for search warrant.
Sinabi pa ng opisyal ng pulisya na posibleng pinatay sa ibang lugar ang biktima bago itinapon sa nasabing lugar.
Personal na alitan naman ang tinitingnang anggulo ng pulisya sa pagpatay sa biktima.
Sa ngayon, patuloy pa silang nangangalap ng mga ebidensiya at bukas naman ay nakatakdang sampahan ang mga suspek ng kasong murder.